04 March 2010

Baka Bukas

Copyright Ritche F. Baria, Tag-Araw sa Tag-ulan, June 19, 2009

Baka bukas, mundo ko’y umikot
Magbubunyi sa’yong paglisan
Sabay ng umagang babati
Sa isang matamis na ngiti sa aking labi

Baka bukas, araw ko’y sisikat
Susunugin ang mga anino ng kahapon
Liliwanag sa isang sulok ng mga pangarap
Na binuo natin noon.

Baka bukas, ulan ay titila
Mula sa mga matang sayo lamang bumaling
Mga titig na sa maganda mong mukha
Lamang nakapako at natutong tumingin.

Baka bukas, halakhak ko’y marinig
Mula sa mga labing walang sawang
Sumambit ng walang katapusang
Pagmamahal at panunumpa ng katapatan

Baka bukas, lungkot ko ay mapawi
Sa pusong sa’yo lamang nakakilala ng saya
At natutong maging maligaya
Sa kapirasong langit na nadama.

Baka bukas, matuto muli akong mangarap
Buuin ang pira-pirasong bahagi ng
Nagkalat na pusong nagmahal
At patuloy na magmamahal

Baka bukas, pandinig ko’y magbalik
Para marinig ang boses mo sa bawat
Tawag sa telepono
“Kumusta ka…. Kumusta ako?”

Pero bukas pa yon…..
Mamahalin muna kita ngayon……