Photo by: Doctor-A |
Wag ka sanang magagalit. ipagpaumanin mo, pero mahirap kalabanin ang sarili ko pero ang totoo lumaban din ako, ngunit natalo. Pagkatalo na hudyat para sabihin ko sa sarili ko na marunong din naman pala akong magmahal nang totoo. Oo, mahal kita. Ngayon ko lang naintindihan ang lahat.
Wag mo sanang isipin na galit ako sayo, o masama ang loob ko kung napansin mo mang medyo mailap ako sayo. Hindi ko rin to ginusto, pero kailangan kong gawin dahil marahil ito ang tama. Pasensya ka na, ayaw lang kita bigyan ng isa pang problema. Hayaan mo, pag nabasa mo to, marahil hindi mo na rin ako kakausapin at hindi na rin kita makakausap. Pero eto lang ako, isang ordinaryong trenta anyos na walang direksyon ang buhay, walang bank account na maipagmamalaki, walang kagwapuhan kagaya nung mga crush mo, walang magandang katawan tulad nung hottie na gusto mo, pero, marunong naman akong magmahal nang totoo.
Sa mapanglaw na ilaw ng takipsilim, naaninag ko ang imahen ng mukha mong naiilawan ng liwanag ng bus. Masakit mang aminin, pero hindi kita magawang tingnan. Para mong tangay tangay ang buo kong pagkatao, ang aking tuwa, ang aking mga alaala at ang mga kalungkutan ko sa tatlong araw nating pagsasama. Ok na akong makita ang repleksyon ng mahimbing mong pagtulog mula sa aking bintana. Gusto kitang hawakan habang natutulog ka at ipaalam sayo na nandito lang ako. Pero unti unti akong namamatay.
Natataranta ka na naman sa kakaabot ng bayad sa konduktor na lumapit sayo, sa Cubao tayo bababa ha? Baka makalimutan mo. Thank you sa libreng pamasahe ha? Siguro ang dami pang libre pag may work ka na. Ay oo nga pala, hindi mo na ako kakausapin tapos nito. Hinabilin na kita kay Jeff, dahil alam ko hanggang tingin na lang ako. Hindi ko din maintindihan kung naiintindihan nya kanina ang sinasabi ko pero sana naman oo.
Lecheng sipon to! Tulo nang tulo. Napigil ko nga luha ko, tulo naman nang tulo sipon ko. Ewan ko, naiiyak lang akong isipin na hindi na kita makikita. Kasi naman bakit naman kasi ang bait mo. Bakit naman kasi napaka responsable mo. At bakit naman kasi ang gaan ng loob ko sayo. Marahil nakikita ko lang sarili ko sayo.
Pasensya ka na ulit. Ganito lang ako, abot kamay lang kita pero hindi man lang kita mahawakan. Marahil ganun talaga ang parusa sa mga taong natututong magmahal, ipapakilala ang taong pwede nyang mahalin at ilalagay sa pedestal na hindi nya maabot. Kaya nga kagabi, hindi na ako lumapit sa inyo. Sasama lang loob ko. Hindi naman talaga masakit ang tyan ko, sumakit lang sa kakaselos sayo. Pero hindi naman ito ang papel ko.
Kagabi pa ako hindi makatulog, hindi ka mawala sa isip ko. kahit anong gawing lakad ko sa buong beach, ikaw pa din ang iniisip ko. Ikaw na lang palagi.At hanggang ngayon ikaw pa din. Ewan ko ba, nakahanap din ako ng katapat ko.
Isang oras na lang at hindi na kita makikita. Pwede ko bang sabihing bumalik ka sa akin? Pag bumaba tayo ng bus at nakita ko sa huling pagkakataon ang mukha mo, ay para mo na ring dinala ang kalahati ng buhay ko. Pwede bang hilingin na sana bawat pintig nang puso mo na nadama ko ay kahati ako? Ang corny ko talaga, pero nagpapakatoo lang ako.
So paano, babalik muna ako sa kakatingin sayo sa bintana. Susulitin ko tong nalalabing isang oras at wala akong gagawin kungdi ang titigan ka lang. Sana maisipan mo akong sulyapan, kahit isang beses lang, dadalhin ko na yon hanggang sa aking huling mga araw�. dahil alam ko, hindi na kita muling makikita. Pero sana maisip mo rin ako kahit minsan, kahit bilang kaibigan, at sana, kapag naiisip mo ako, mapapangiti ka, na minsan sa buhay mo, may isang ordinaryong ako na nagmahal sayo...
No comments:
Post a Comment
Penny for your thoughts?