14 May 2008

Hanggang Dito na Lang Ako

Trenta na ako. Hindi na ako bata at sa susunod na mga taon, mawawala na ako sa kalendaryo. Ilang araw na rin akong gumigising na masama ang loob, galit at umiiyak na naman na akala ko hindi ko na gagawin. Matagal-tagal ko na rin na hindi naramdaman ang galit at lungkot, pero aaminin ko lahat ng mga damdaming pilit ko nang ibinaon nang matagal na nagsipag-usbungan ulit. Hindi ko alam bakit. Malamang napakaaga pa para kamutin yung peklat ng mga sugat na kahihilom lang. Hindi dapat minamadali ang paghilom.

Ngunit sa bawat umaga na gumigisig ka na umiiyak, sa bawat gabing hindi ka makatulog sa pag-iisip o sa bawat pagkakataon na hindi ka makakain, doon mo napapatunayan sa sarili mo na kailangan mo ring mabuhay hindi para sa kung sino man, kungdi para sa sarili mo. Hindi rin ganun kadali na baguhin ang mga bagay na nakagisnan mo na at sa isang iglap maging perpektong tao na hindi na marunong umiyak at masaktan. Alam ko, marami sa inyo, hindi nyo ako maiintindihan.

Sa maikling panahon na tumigil ako ng kakaiyak, maraming magagandang bagay ang inihain sa akin — mabubuting kaibigan, pagkakataon para gawin ang mga bagay na hindi ko pa nagagawa, at makilala ang taong mahal na mahal na mahal na mahal na mahal na mahal ako… at mahal na mahal na mahal na mahal ko rin. At sa ilang araw na ito na muli na naman akong umiiyak, ewan ko kung bakit mahal na mahal pa rin nya ako, kahit alam kong nagseselos na sya. At kahapon, wala lang akong nasabi kungdi ang hilingin sa kanya na wag nya akong iiwan.

Oo, sa tanda kong ito pwede mo na akong ipagtayo ng rebulto. Kung may lugar lang ba sa Binondo o sa Luneta bakit hindi? Nakaktuwa din naman ano? Lagi na lang ako itong naiiwanan, lagi na lang ako itong nasasaktan sa kabila ng walang katapusang pangako ng mga taong minahal kona hindi nila ako iiwan. Ayoko na rin isipin na hindi sila mabubuting tao o nagsinungaling sila o hindi talaga nila ako minahal. Siguro naman, kahit papaano minahal din nila ako kahit na iniwannila ako sa kung ano mang dahilan … kahit na hindi ko pa alam.

Ang blog na ito, ito siguro ang saksi sa mga gabing hindi ako makatulog … sa dalawang araw na gising ako nang walang tulog at sa walang tigil kong pag-iyak sa lahat ng pagkakataong nasasaktan ako at iniiwan. Marami pa akong ibang blog hindi lang ito, patunay lang siguro na kahit ganito ako ka maldito, kailangan ko lang ng kausap. Ganun naman ako eh, nakakapagsulat lang ako kapag nasasaktan at nalulungkot kasi ayokong kinakaawaan ako ng mga kaibigan ko. Marahil sa pagkakataong ito, ganun lang talaga ako nasaktan, ganun lang talaga ako nagalit. Pero tama na.

Nakakatuwa din naman ano ….. pinagtago na naman kami ng taong di ko kinakausap at hindi ako kinakausap sa isang lugar kung saan nagsimula ang lahat. At ang mas nakakatuwang bahagi ng dalawang araw na yon, alam naming nandoon kami sa iisang lugar pero hindi pa rin kami nag-usap. Pagpasensyahan mo na kung hindi maayos ang pagkakabati ko sayo ha? Hindi ko alam kung papaano kita babatiin o kakausapin. Pero mabuti na rinyung ganun. Hayaan mo na kung ano man yung kailangan mo pang ipaliwanag.. wala na yun. Tapos na yun. Para namang di tayo magkaibigan.

Pero aaminin ko sayo, nung birthday ko, buong umaga lang akong nakaupo doon sa dalampasigan kung saan tayo palagi nakaupo at nangangarap. Hindi ka dumating. Hindi ko rin inaasahan. Marahil, hudyat na rin ito para doon tapusin ang lahat. Wala na akong sama ng loob sayo, hindi na rin ako galit.

At sa taong mahal na mahal ako ….. salamat. Salamat dahil hindi mo ako iniwan. Salamat dahil kahit wala man tayong ganung yaman, magkasama tayo. Salamat dahil kahit sa simpleng pagkain na pinagsasaluhan natin minahal mo pa rin ako. Salamat dahil kahit ang kukulit natin hindi tayo nag-aaway at hindi natatapos ang araw na hindi tayo nagkakabati. Salamat dahil nakikinig ka sa akin at ako din naman sayo. Salamat dahil nakilala ko pamilya mo at tanggap nila ako. Salamat dahil kahit nagseselos ka sa kanya mahal mo pa rin ako at hindi ka nauubusan ng pagmamahal. Salamat dahil gusto mo akong pakasalan (hahaha paano kaya yun?Las Vegas ba pwede?) At salamat dahil nandyan ka lang.

Dito na muna magtatapos itong blog na ito.

Hanggang dito na lang ako…… Masaya na ulit ako……….







MIGRAINE
By: Moonstar88

Oo nga pala, hindi nga pala tayo
Hanggang dito lang ako, nangangarap na mapa-sayo
Hindi sinasadya
Na hanapin pa ang lugar ko
Asan nga ba ako? Andiyan pa ba sa iyo?

Nahihilo, nalilito
Asan ba ko sayo? Aasa ba ko sayo?

Nasusuka ako, kinakain na ang loob
Masakit na mga tuhod, kailangan bang lumuhod?
Gusto ko lang naman, yung totoo
Hindi po ang sagot, hindi rin isang tanong

Nahihilo, nalilito
Asan ba ko sayo? Asan ba ko sayo?
Nahihilo, nalilito
Asan ba ko sayo? Aasa ba ko sayo?

Dahil, di na makatulog (makatulog)
Dahil di na makakain (makakain)
Dahil di na makatawa (makatawa)
Dahil, di na

Oo nga pala, hindi nga pala tayo
Hanggang dito na lang ako

Nahihilo, nalilito
Asan ba ko sayo? Asan ba ko sayo?
Nahihilo, nalilito
Asan ba ko sayo? Aasa ba ko sayo?
Nahihilo… Nahihilo…
Nalilito…

No comments:

Post a Comment

Penny for your thoughts?