02 June 2011

Naalala Mo Ba ang Perstaym Mo?

Naalala mo ba ang araw na una kang nakatikim ng burger at fries....
Masarap, mabangong at bagong luto na burger at fries
Paano mo nilasap ang amoy at lasa ng bawat kagat
At ninamnam ang sarap hanggang sa pinakamaliit na bahagi?

Naalala mo ba ang araw na una kang umibig
Mga gabing di makatulog kakaisip sa diwa ng taong tinatangi...
Mga taghiyawat na sumusulpot sa mukha sa kakapuyat
At kagagawa ng ilang dosenang liham maisambit lang ang nararamdaman?

Naalala mo ba ang unang araw na una kang umiyak
Ang sakit at pagkasiphayo dahil sa mga hindi naabot na mithi
Mga bagay na gusto mo, di naman pwede sayo
At mga ginawa mo para makalimutan ang sakit?

Naalala mo ba ang unang araw na ikaw ay nagkasakit
Nanghihinang kalamnan, mataas na lagnat, sipon, at kung ano pa
Mga gamot na ayaw mo inumin kasi mapait, mapakla, mabaho
At mga pagkalinga't pag-aaruga hanggang sa gumaling ka?

Madaming alaala, madaming beses pang naulit at mauulit pa
Pero naalala mo ba sa mga unang beses kung sino ang kasama mo
Sino ang iyong katawanan, kaiyakan, kabiruan, kasama
Oo... ang mga magulang mo.... at hanggang ngayon, lahat ng ito, naaalala nila

Sila, naalala mo pa ba?

No comments:

Post a Comment

Penny for your thoughts?